Isang inahing manok na may anak na tatlong sisiw ang naninirahan sa gitna ng taniman ng mais. Isang araw, lumabas ng bahay ang magsasakang may-ari ng taniman at sinabing, “Panahon na upang anihin ko ang aking maisan! Kailangan tawagin ko ang aking mga kapit-bahay upang tulungan ako sa aking pag-ani bukas!”
Narinig ito ng mga sisiw at agad iminungkahi sa kanilang ina, “Kailangang lumikas na tayo rito at humanap ng ibang matitirahan inang! Kung hindi, matatagpuan tayo rito ng mga magsisipag-ani bukas at huhulihin upang patayin!”
“Huwag kayong mabahala mga anak,” ang wika ng inahing manok. “Kung mga kapit-bahay lamang ang aasahan niya, hindi agad magsisipag-kilos ang mga iyon! May panahon pa tayo upang manirahan dito.”
Tama nga ang sinabi ng inahing manok. Sapagkat kinabukasan nga’y walang mga kapit-bahay na dumating upang tumulong sa pag-ani ng magsasaka.
“Kung hindi ko maasahan ang aking mga kapit-bahay, sa aking mga kamag-anak ako lalapit upang humingi ng tulong sa isasagawa kong pag-ani bukas!”
“Narinig ng mga sisiw ang sinabi ng magsasaka at dali-daling iminungkahi sa kanilang ina. Ngunit muli, hindi nabahala ang inahing manok at sinabing, “Kung sa mga kamag-anak lamang siya aasa hindi magsisipagsunod ang mga iyon! May mga trabaho ring dapat asikasuhin ang mga iyon at tiyak na hindi maasahan. May panahon pa tayo para manirahan dito mga anak!”
Kinabukasan nga’y tama uli ang sinabi ni inahing manok. Walang kamag-anak na dumating ang magsasaka upang tulungan siya sa pag-ani sa maisan.
Dahil dito, napilitan ang magsasakang tawagin ang kanyang anak at sinabing, “Bukas na bukas din, tayong dalawa na lamang ang aani sa ating pananim. Wala tayong ibang maaasahan kundi ang ating mga sarili!”
Nang marinig iyon ng mga sisiw, dali-dali silang nagtungo sa kanilang ina at iminungkahi rito ang sinabi ng magsasaka.
Noon nagdesisyon ang inahing manok na lumisan sila sa lugar na iyon, at sinabing, “Kung sinabi ng magsasaka na siya na ang gagawa ng pag-ani, dapat tayong maniwala! Sapagkat totoong walang sinuman siyang maaasahan kundi ang kanyang sarili.